Thursday, July 22, 2010

.

malapit na naman ang oras ng uwian. tiningnan ko ang mga gamit ko sa gilid ng mesa ko. kapansin-pansin ang gasgas sa salamin ng helmet ko. isang masakit na paalalang "mag-ingat!" parang mga salita na nagsasalaysay ng isang aral na hindi maaring malimot.

isang biyernes, alas dies kinse ng gabi, sa tapat ng Loyola Memorial Park sa isinumpang lugar ng ParaƱaque, inabutan ko ang isang asul na isuzu highlander. sakay ako ng aking motor. gumawi ako sa bandang kaliwa upang lampasan ang sasakyan na iyon. pero dahil pareho kami ng bilis, hindi ko na itinuloy ang binabalak.

papalapit kami sa sucat highway, may puwang doon para sa U-Turn. nagmabagal ako ng takbo, hinihinalang kakaliwa ang sasakyan sa bandang kanan ko. nauuna ito sa akin ng dalawang segundo. baka mag-U-Turn ito doon. hinintay kong magpatay-sindi ang ilaw sa kaliwang gawi ng likuran nito. walang ilaw. dederetso ang highlander.

bahagya kong binilisan ang takbo upang tahakin ang anumang natitira sa daan na iyon. nang biglang kumaliwa ang highlander.

blam!

tumba ang motor. tumilapon ako sa harapan. tumama ang tuhod ko sa kalsada. itinukod ko ang mga kamay ko. ngunit ang dagsin ay hindi patatalo sa mahinang kamay ng isang mortal - tuluyan akong bumagsak. at kumayod ang nakakalubkob kong sa aspalto.

limang segundo akong hindi kumilos, inaalam kung humiwalay ang ilang buto o ang diwa at kaluluwa ko. salamat sa Diyos at buhay ako at may lakas para bumangon.

nilapitan ako ang motor ko. nasaktan ang bago kong kaibigan. gasgas ang mukha, baluktot ang durugtungan ng salamin. pingot ang tapakan. may galos sa tambutso. tumapon ang gas. patay at waring hindi na humihinga.

lumabas na pala ang tsuper ng highlander. sinalubong ako ng mukhang nag-aalala. "okay ka lang ba?" tanong niya.

"patulong po sa pagtayo ng motor." sagot ko. inilayo ko ang motor sa daan at itinayo. binuhay ko ito. kahit hirap itong gumising, hindi niya ako binigo.

"nakainom ka ba?" tanong uli ng mama.

"hindi ho." hindi naman ako umiinom.

"kumusta motor mo?"

"ayan ho buhay pa. kayo po, ayos lang ba?"

"may tama yung kotse ko... pero ayos lang, basta ang mahalaga hindi ka napaano."

"hindi po kasi kayo sumignal." napatingin sa akin ang mama at parang napikon sa sinabi ko.

"hindi, araw araw akong dumadaan dito..." paliwanag niya.

"oo nga po. pero hindi po kayo sumignal. kaya akala ko ho, dederetso kayo. sa susunod po huwag niyong kalimutang sumignal para safe tayo."

pinuntahan ko ang motor ko upang suriin. pinaandar naman ng mama ang sasakyan niya at huminto sa hindi kalayuan.

at umalis kami, pero hindi "parang walang nangyari." hindi ko na maiaalis ang sa katawan ko ang pakiramdam na dulot ng gabing iyon.

0 mga humigop: